Reaksyong Papel batay sa ninasang teksto ayon sa katangian at kabuluhan nito sa SARILI

Susunod vs Ngayon

            Dumarating sa buhay ng tao ang kabiguan. Kabiguang sumusubok sa atin sa araw-araw na pakikibaka at pakikipagsapalaran. Minsan madali pero madalas mahirap. Wala naman talagang madali pagdating sa laro ng buhay. Tapang at lakas ng loob ang kailangan sa pagharap sa mga suliranin sa buhay.

            Sa katunayan, ang buhay ay parang bisikleta. Upang maka-usad sa lugmok na sitwasyon kailangan mong pumadyak. Kahit na mahirap, tatagan mo ang iyong loob dahil kung hindi ka gagalaw, wala kang mararating.

            Ang pagkakaunawa ko sa kuwentong “Laro ng Buhay” ni Katrina Ng ay tungkol sa buhay ng isang estudyante. Ang isang estudyante ay parang pagkakaroon ng responsibilidad. Dahil kung hindi ka mag-aaral, patay ka sa magulang mo. Pero higit sa lahat ang edukasyon ay isa sa pinakamahalagang salik ng buhay. Kung wala ka nito, ano ka nalang? Mahirap ang makipagsapalaran nang walang dalang sandata. Mabibigo ka lang.

            Si Mauel Locsin, ang pangunahing tauhan sa kuwento ay nahihirapan sa kanyang pag-aaral. Dalawampu’t limang taon na siya pero hindi pa siya tapos ng kolehiyo. Mahilig sa barkada, tambay, at laging nanonood ng sine. Kahit na lagi siyang pinagsasabihan ng kanyang mga magulang hindi siya nagbabago. Iniisip niyang kulang ang pagmamahal na ibinibigay ng kanyang mga magulang dahil kumpara sa kapatid niyang si Ben, ito ay ay masipag at matalino. Kaya ang pagmamahal na hinahanap niya ay napupunan ng kanyang barkada.

            Imbes na magbago para sa kanyang ikabubuti mas pinili niyang magbulakbol. Sa tingin ko mali ang ganitong paniniwala sa buhay. Kung iniisip mong hindi ka mahal ng magulang mo bakit ka nila ping-aaral, pinapakain araw-araw at binibigyang pera para sa pangangailangan mo? Isipin mo na lang na ang perang iyon ay mula sa dugo’t pawis nila maitawid ka lang. At ang gusto nila ay may pinuntahan ang kanilang paghihirap sa pamamgitan ng nakikita nilang ang anak ay nag-aaral ng mabuti.

          Kung patuloy mong iisiping mahirap, hihirap talaga yan. Kung hindi ka magsisimulang gumawa ng aksiyon, walang mangyayari sa iyo. Dyan ka lang at tutunganga sa isang tabi kung bakit ang hirap. Hanggang sa naubos na ang iyong oras kakaisip na mahirap. Sinayang mo ang katangi-tanging oras, wala kang kwenta.


            “Aayusin ko na lang sa susunod na pagsusulit”. Ang linyang tumatak sa akin. Bakit kasi sa susunod pa kung pwedeng ngayon na, ora mismo. Kung hindi mo itatatak sa isip mo, hinding-hindi ka talaga magbabago dahil sinanay mong “sa sususunod na”. Ang buhay ay parang bisikleta upang maka-usad sa lugmok na sitwasyon kailangan mong pumadyak. Kahit na mahirap, tatagan mo ang iyong loob dahil kung hindi ka gagalaw, wala kang mararating. Kaya imbes na aayusin ko sa “susunod” dapat aayusin ko na “ngayon”. Nasa sa iyong kamay ang ikagaganda ng iyong buhay.

Mga Komento